MANILA, Philippines - Pansamantalang napawi ang takot ng may 41,000 Pinoy na naiipit sa matinding pambobomba sa Gaza Strip matapos magdeklara ng tigil-putukan ang Israel at kalabang Hamas.
Inianunsyo ni Egyptian Foreign Minister Mohamed Kamel Amr kasama si US Secretary of State Hillary Clinton ang magandang bunga ng peace negotiation ng magkabilang panig at winakasan ang walong araw na rocket attacks ng Palestinian at airstrikes ng Israel.
Nabatid na ang Egypt ang nagsilbing “mediator” ng magkalabang Israel at Hamas at nagbunga ng magandang resulta kasunod ng panawagan ni UN Secretary General Ban Ki-Moon at ng international community kasama na ang Pilipinas na itigil na ang giyera ng Israel at Hamas.
Base sa ceasefire deal, pumayag ang Israel na ititigil na nito ang lahat ng pag-atake, paglusob at pagpatay sa mga matataas na opisyal ng Hamas kung saan nadadamay ang mga sibilyan habang nangako ang Hamas na ihihinto na ang lahat ng kanilang rocket attacks laban sa Israel.
Welcome naman ang nasabing ceasefire deal kay US Pres. Barack Obama at United Nations.
May 160 katao na ka ramihan ay sibilyan at bata ang nasawi sa mahigit isang linggong airstrike ng Israel at missile attacks ng Hamas militants.