MANILA, Philippines - Kakayanin ng mga telecommunication companies na maisoli ang sobrang 20 centavos na singil sa kada text ng mga subscribers simula Disyembre 1, 2011 hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi ni National Telecommunications Commission (NTC) Director Edgardo Cabarrios na may paraan na ang mga telecommunications company tulad ng Smart, Globe at iba pang telcos para makapag-refund sa sobrang siningil sa mga customer na gumagamit ng prepaid at postpaid.
Para sa mga prepaid subscribers, ipapasok lang ang refund sa numero ng mga customer, habang iti-trace naman ang pangalan ng mga postpaid subscribers para maipasok sa kanilang account ang refund.
Binanggit din nito na ang pagsosoli ng sobrang 20 sentimos na singil kada text ay hindi dapat makaapekto sa unlimited services ng telcos.
Una nang inutos ng NTC ang refund ng telcos sa mga kostumer matapos hindi sumunod sa pagbaba ng interconnection charges simula noong isang taon.
Bunsod nito, 80 sentimos na lang ang halaga ng kada text sa Smart, Globe at iba pang telecommunications subscribers.