MANILA, Philippines - May itinalaga nang bagong associate justice ng Supreme Court kapalit ng binakante ni SC Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Lumalabas na pinakabatang mahistrado ng SC ang bagong appointee ni Pangulong Noynoy Aquino na si Marvic Leonen, ang dating chief government peace negotiator.
Sa darating na Disyembre 29 ay tutuntong pa lamang sa ika-50 anyos si Leonen.
Nabatid na naging makabuluhan ang papel ni Leonen sa pagbalangkas ng framework peace agreement sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nagtapos bilang magna cum laude sa UP School of Economics noong 1983 si Leonen bago kumuha ng abogasya sa naturang unibersidad taong 1987.
Nanumpa na rin si Leonen kahapon kay Pangulong Aquino sa Malacañang.