120 Pinoy ‘hostage’ sa Gaza

MANILA, Philippines - Mistulang ‘hostage’ na umano ang may 120 Pinoy at iba pang dayuhan sa Gaza Strip nang pigilan silang makalabas ng grupong Hamas matapos na magtangkang lumikas sa nasabing lugar na inaatake ng airstrike ng mga militar ng Israel.

Sa kalatas ng Israeli Embassy, hinaharang na umano ng mga militanteng Hamas ang mga Pinoy at iba pang dayuhan upang hindi makalabas sa Gaza at ginagawa silang “human shield” habang pinapaulanan ng missile ng mga Israeli jets ang Gaza Strip na teritoryo ng mga Palestino.

“Hamas is also holding hostage a number of foreigners that would like to leave Gaza, amid the ongoing events. Even the 120 Filipinos in Gaza have difficulty in leaving,” wika ng statement ng Israel.

Tiniyak naman ni Israeli Ambassador to the Philippines Menashe Bar-on na tutulungan nila na makalabas at makalikas sa Gaza ang naiipit na mga Pinoy. 

Sinabi ni Bar-on na bukas ang kanilang border para sa mga Pinoy at ibang foreigners na gustong dumaan at lumikas mula Gaza patungong Israel o Israel patungong Gaza.

Inihanda na rin ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang tatlong Rapid Response Team na ipinadala ng pamahalaan sa Israel, Egypt at Jordan para sa planong paglilikas sa mga Pinoy sa Gaza strip.  

Sinabi ni Phl Ambassador to Jordan at Pa­lestine Olivia Palala na may 15 Pinoy na ang nagpahayag ng kanilang ka­handaang lumikas patungo sa isang temporary shelter sa Cairo, Egypt. Makakasama nila sa pag­likas ang may 17 Palestino na nakapag-asawa ng mga Pinay at kanilang pamilya na pansamantalang mananatili ng hanggang 30-araw sa evacuation center sa Cairo.

May 41,000 Pinoy ang nasa Israel na karamihan ay OFWs na nagtatrabaho bilang caregivers.

 

Show comments