MANILA, Philippines - Pinaaarestong muli ng mababang hukuman ang kolumnista na tumatayong managing editor at editor-in-chief ng weekly tabloid na si Leo D. Villan matapos itong mapatunayang nagkasala sa kasong libelo na isinampa ng dating chairman at Chief Executive Officer ng Phil. Amusement and Gaming Corp. noong Setyembre 2002.
Sa 9-pahinang desisyon ni Judge Silvino T. Pampilo Jr. ng Manila Regional Trial Court Branch 26, pinaaresto ang akusadong si Leo D. Villan ng #2247 F.B. Harrison Street, Doña Adela Bldg., Pasay City sa kasong libelo na isinampa ni dating PAGCOR Chairman and CEO Efraim Genuino. Bukod sa pagkakulong ng 6-buwan hanggang 2-taon at 11-buwan ay pinagbabayad din si Villan ng P5 milyong danyos perwisyo at karagdagang P20,000 bilang legal fees.
Base sa record ng korte, lumalabas sa reklamo na ang People’s Brigada ni Villan ay naglathala ng malisyoso at mapanirang puri laban sa pagkatao at reputasyon ni Genuino noong Setyembre 12, 2002.
Naghain naman ng not guilty plea sa arraignment si Villan noong Agosto 13, 2003 dahil ang isyu umano ay isang open letter mula sa mga kawani ng PAGCOR.
Kasabay ng desisyon kay Villan, nagpalabas din ng alias warrant ang nasabing korte laban sa mga kasabwat ni Villan na sina Nestorio Ibanez at Zandro Peralta, na hindi nabasahan ng sakdal at ang kaso ay nasa archive na at maaring buksan muli ang paglilitis sa oras na sila ay madakip.
Ang nasabing kautusan ay nilagdaan at inisyu ni Judge Pampilo Jr. noong Pebrero 20, 2007 at muling nagpalabas ng warrant of arrest na may petsang Nobyembre 5, 2012 na inaatasan ang PNP, National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na arestuhin ang mga akusado.