MANILA, Philippines - Tuluyan nang pinayagan ng Korte Suprema ang partylist group ni dating Army general Jovito Palparan at lima pa na makalahok sa halalan sa susunod na taon.
Sa katatapos na en-banc session ng mga mahistrado, nilinaw na ang pinalabas na status quo ante order noon ay sumasakop din sa mga grupong Bantay ni Palparan at sa Alliance for Nationalism and Democracy (ANAD), 1Brotherhood for Reform and Oneness-Philippine Guardians for Brotherhood Incorporated, Agapay ng Indigenous People’s Right Alliance (A-IPRA), Ako Agila sa Nagkakaisang Magsasaka (AKO Agila) at 1Ganap/Guardians.
Noong nakaraang linggo, nagpalabas ng SQA ang Supreme Court na pumapabor sa kahilingan ng Ako Bicol, Apec, Akma-PTM, Kakusa, 1-Care, Aral at ARC.
Ang SQA ay pinalabas ng SC upang maipreserba ang maayos na kalagayan bago magkaroon ng litigasyon, o ang sitwasyon na wala pang pinalalabas na kautusan ang Comelec kaugnay sa diskuwalipikasyon ng mga partylist group.
Unang dumulog sa SC ang party list groups upang tutulan ang pagbasura sa kanila ng Comelec bilang kinatawan ng marginalized sector.
Samantala, maaari na ring makalahok sa 2013 ang Akbayan at Bayan Muna matapos payagan ng Comelec dahil pareho raw may track records ang mga ito nang pagkatawan sa mga marginalized at underrepresented sectors.