Pinoy na nasawi sa Mexico, tukoy na

MANILA, Philippines - Kinilala na ng mga awtoridad ang mga Pinoy na nasawi at nawawala sa pagsiklab ng oil rig sa karagatang sakop ng Port of Mexico sa Estados Unidos.

Tinukoy ng kanyang manpower agency ang Pinoy na nasawi na si Elroy Corporal, 42, tubong Iligan City.  Siya ay kasama sa dalawang nawawala subalit narekober din ang katawan nito ng US Coast Guard bago itigil ang search and rescue operations kamakalawa.

Nananatiling nawawala ang isang Pinoy na kabilang sa 9 na Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho at naapektuhan sa pagsiklab ng nasabing oil platform.

Ayon Department of Foreign Affairs, pinaghahanap pa ng US Coast Guard ang nawawalang Pinoy na si Gerome Manugapo, tubong Cebu matapos ang pagsiklab ng sunog sa nasabing oil platform na matatagpuan may 20 milya sa southeast ng Grand Isle.

Sa report ni Ambassador Jose Cuisia Jr, ng Embahada ng Pilipinas sa Washington D.C., nagtungo na ang isang welfare officer ng Embahada  at dalawa pa mula sa Philippine Consulate sa Chicago sa Baton Rouge General Hospital sa Louisiana kung saan nakaratay ang apat na Pinoy kabilang ang isang Wilberto Ilagan, 50-anyos, na nasa seryoso at kritikal na kalagayan upang mabigyang ayuda o tulong. 

Tatlo sa 9 na Pinoy na nagtatrabaho sa oil rig ng Black Elk Energy company ang umano’y nakatakbo at nakaligtas sa nasusunog na platform. Ayon kay Cuisia, may 162 Pinoy welders, fitters, scaffolders at riggers ang na-hire sa nasabing kumpanya mula sa Pilipinas at nagtatrabaho sa Gulf ng Mexico.

 

Show comments