MANILA, Philippines - Bumuo na ang Department of Justice (DoJ) ng panel of prosecutors na mag-iimbestiga sa P12 bilyon na pyramiding scam na kinasangkutan ng Aman Futures Group Philippines Inc.
Ayon kay prosecutor general Claro Arellano, binabalangkas na ang pagbuo ng panel of prosecutors na dadaan sa pag-apruba ni Justice Secretary Leila de Lima.
Napag-alaman na tinatayang nasa 15,000 katao mula sa Visayas at Mindanao mula sa iba’t ibang sektor ang nabiktima ng nasabing kompanya.
Sinasabing nag-aalok ito ng interes na 30 hanggang 80 porsyento sa perang kanilang ilalagak.
Hanggang ngayon ay hindi nagpapakita ang pinuno ng naturang kompaniya na si Manuel Amanlilio at anim pang mga kasamahan nito.
Simula nitong Setyembre inulan ng reklamo ang NBI mula sa mga investor matapos tumalbog ang tseke na inisyu ng Aman.
Inaalam na rin ni de Lima sa Bureau of Immigration kung nasa bansa pa ang mga sangkot sa pyramid scam.
Una rito, 10 pulis kabilang ang hepe ng Pagadian City Police Station ang sinibak sa puwesto kaugnay ng kabiguang maresolba ang kontrobersyal na pyramiding scam na umano’y binibigyang proteksyon ng mga tiwaling parak.