Walang plano ang Palasyo na iparebisa ang VFA

MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda na walang plano ang Malacañang na iparebisa ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil sa ginawang dum­ping ng waste ng isang barko sa Subic Bay.

Sinabi ni Sec. Lacier­da, may sapat tayong batas na magpaparusa sa sinumang nagtatapon ng basura sa karagatan at hindi naman ang US personnel o barko ng US military ang may kagagawan ng pagtatapon ng waste sa Subic.

Magugunita na iniulat na nagtapon ng hazar­dous waste ang US Navy contractor sa Subic Bay noong nakaraang buwan at hiniling ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na imbestigahan ito ng Senado.

Idinagdag pa ni La­cierda, third party corporation ang Glenn Defense (Marine Asia Philippines Inc.) na sinasabing nagtapon ng hazardous waste sa Subic Bay.

Nagsasagawa naman ng sariling imbestigasyon ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa pangunguna ni Chairman Roberto Garcia hinggil sa nasabing insidente.

Hinihintay naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang resulta ng imbestigasyon ng SBMA bago ito umaksyon laban sa sinasabing US Navy contractor.

 

Show comments