Ceramic Xmas decor may nakalalasong kemikal

MANILA, Philippines - Pinag-iingat ang publiko sa pagbili ng mga ceramic Christmas decors na hindi sertipikadong toxic matapos na matuklasan na mayroon umano itong sangkap na lead at iba pang uri ng nakakalasong kemikal.

Bumili ang toxic group na EcoWaste ng 12 mumurahing ceramic items na pandekorasyon sa Pasko na may mga imahe nina Frosty the Snowman, Santa Claus at Christmas tree.

Nang suriin ang naturang pandekorasyon sa pamamagitan ng portable x-ray fluorescence (XRF) spectrometer, ay doon natuklasan na siyam sa nabiling mga sample ay nagtataglay ng lead na mas mataas sa itinatakdang US limit na 90 Parts Per Million (PPM) para sa lead paint. Wala naman umanong alinman sa mga sample ang nagsasaad ng babala na gumamit ito ng lead glaze o lead paint at wala ring lead warning.

Ang mga dekorasyon ay nabili noong Undas break mula sa mga bargain retailers sa Monumento, Caloocan City, Quiapo at Divisoria sa Maynila, at Cubao at Mega Q-Mart sa Quezon City.

 

Show comments