MANILA, Philippines - Maituturing ng Commission on Elections (Comelec) na isang uri ng premature campaigning ang pamimigay ng libreng tubig, meryenda, tolda at kung anu-ano pa sa sementeryo.
Ayon kay Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr., pinayuhan na niya ang mga botante na huwag iboto ang mga pulitikong sangkot sa maagang pangangampanya.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni Brillantes na mas halata ang premature campaigning kung ang ipinamimigay na freebies ay may pangalan at larawan ng mga kandidato para sa May 2013 midterm polls.
Ani Brillantes na dapat umanong irespeto ng mga pulitiko ang pagggunita sa Araw ng mga Patay at Santo.
Hindi anya bawal mamigay ng freebies ang mga pulitiko sa Undas, gayunman, binigyang-diin niya na ‘kakapalan’ na ito ng mukha.
Nanindigan pa si Brillantes na ang Undas ay hindi dapat na haluan ng pulitika dahil ito’y okasyon bilang pagbibigay ng respeto sa mga patay.