375 classrooms naipatayo ni Recom

MANILA, Philippines - Umabot sa 375 classrooms ang naipatayo ng administrasyon ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri simula ng manungkulan itong alkalde noong 2004 na napakikinabangan nga­yon ng mga mag-aaral sa mga pampublikong pa­aralan sa buong lungsod.

Ayon kay Echiverri, sa simula ng pagsisilbi nitong alkalde ng lungsod ay inabutan nito na mayroong 85 estudyante sa bawat silid aralan o 1:85 ratio kaya’t nagpursige itong madagdagan ang mga classrooms na ginagamit ng mga mag-aaral.

Aniya, bagama’t patuloy na dumarami ang mga nag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa buong lungsod ay naibaba ang classroom to student ratio ng 1:55 at inaasahan na patuloy pa itong bababa dahil sa mga gagawin pang silid aralan.

“With the implementation of K12 program, more classrooms would be needed, and I pro­mise that before the end of my term, we shall be constructing 300 more classrooms”, sabi pa ni Echiverri.

Bukod sa mga pampublikong paaralan sa ele­mentarya at sekondarya ay pinagtuunan din ng pansin ni Echiverri ang University of Caloocan City (UCC) kung saan ay mayroon ng 12,000 es­tu­d­yante kumpara noong 2004 na mayroon lamang 4,000 college students.

Nakapagpatayo na rin si Echiverri ng mga school comfort rooms sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong lungsod kaya’t hindi na nahihirapan ang mga estud­yante sa paghahanap ng lugar sakaling tinatawag ng kalikasan.

Show comments