MANILA, Philippines - Isang enlisted serviceman ng Philippine Navy at live-in partner nito ang dinakip ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang salakayin ang isang “drug den” na inooperate ng suspek sa Taguig City kamakailan.
Nakilala ang suspek na si Romyr de Torres, alyas Romel, Philippine Navy enlisted serviceman, at kinakasama nitong si Evelyn Labjata, alyas Belen, kapwa residente ng Block 6 Zone 3, Brgy. Fort Bonifacio, ng naturang lungsod.
Inaresto rin ng mga awtoridad sina Benhie Delos Reyes, 43; Eduardo Matias Labjata, 46; at Randy Quiambao Rili, 26.
Nabatid na sinalakay ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service at Naval Intelligence and Security Force sa koordinasyon sa Taguig City Police nitong Oktubre 29 ang bahay ni De Torres na ginagamit nito bilang drug den.
Narekober sa loob ng bahay ang 25 pirasong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, 35 aluminum foil at iba pang paraphernalia. Inabutan sa loob ng bahay ng mga awtoridad sina Delos Reyes, Labjata at Rili.
Nabatid na sangkot sa walang tigil na bentahan ng iligal na droga sina De Torres at Labjata at pinagagamit ang kanilang bahay sa kanilang mga kostumer. Nahaharap na ngayon ang mga nadakip na suspek sa paglabag sa Dangerous Drugs Act of 2002.