MANILA, Philippines - Dapat pa ring mag-ingat ang publiko laban sa nauusong stem cell therapy para sa medical at aesthetic purposes.
Sa isang advisory, sinabi ni Health Secretary Enrique Ona na ang stem cell therapy ay hindi pa rin bahagi ng standard of care at ikinukonsidera pa rin bilang ‘investigative procedure for compassionate use.’
Ayon kay Ona, ang aplikasyon ng stem cell bilang lunas sa malignancies, blood disorders, degenerative diseases tulad ng Alzheimer’s Disease, metabolic diseases tulad ng diabetes, at immune cell therapy ay isinasailalim pa rin ng clinical evaluation at pag-aaral.
Pinapayuhan rin ni Ona ang publiko na iwasan ang stem cell therapies na gumagamit ng embryonic stem cells, aborted fetuses, genetically-altered at animal fresh cells, bilang sources ng stem cells.
Magpapalabas sila ng guidelines sa paggamit ng stem cell therapy at ng proseso para sa pagpapalisensiya ng mga nag-aalok ng naturang serbisyo.
Ang stem cell bilang therapy sa oncology, end-organ diseases at regenerative medicine ay in demand ngayon at maging sa Pilipinas ay naobserbahan na rin umano ang pagdami ng mga ‘center’ na nag-aalok ng stem cell at aesthetic purposes.