MANILA, Philippines - Matapos hindi matupad ang ipinangakong maibalik ang kuryente sa mga sinalantang lugar ni Yolanda, magbibitiw na sa puwesto si Energy Secretary Carlos Jericho Petilla.
Sinabi ni Petilla sa GMA news na ibibigay niya ang kanyang resignation letter kay Pangulong Benigno Aquino III bukas.
Nangako si Petilla noong Nobyembre na ibabalik niya ang supply ng kuryente bago mag-Pasko at sinabing magbibitiw sa puwesto kung hindi ito matutupad.
Inamin ni Petilla na dalawang bayan pa sa Eastern Visayas ang wala pang kuryente.
Ayon sa isang ulat sa telebisyon, higit 2,600 pang barangay ang wala pa ring kuryente, ngunit sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na malaking parte naman ng mga winasak na lugar ni Yolanda ay may kuryente na kaya naman hindi na inungkat pa ni Aquino ang hamon ni Petilla na magbibitiw kung hindi maibabalik ang kuryente.
Sinabi ni Petilla na ilan sa mga barangay ay may supply na ng kuryente ngunit kinakailangang masigurong ligtas ang isang bahay bago hayaang makagamit nito.
"Kung wala pang bubong ang bahay mo talagang imposible kang mapailawan. Only those na talagang naaprubahan ng Bureau of Fire Protection and pwede natin lagyan ng ilaw," sabi ni Petilla sa isang ulat sa 24 Oras ng GMA7.