MANILA, Philippines - Walong bangkay pa ang natagpuan na siyang dahilan upang umakyat ang bilang ng mga nasawi sa hagupit ng bagyong Yolanda sa Eastern Visayas.
Pumalo na sa 6,100 ang kumpirmadong patay sa pananalasa ni Yolanda, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council ngayong Biyernes.
Pinangangambahang aabot sa halos walong libo ang nasawi sa bagyo dahil 1,779 pa rin ang pinaghahahanap higit isang buwan makalipas tumama si Yolanda.
Nasa 27,665 na katao naman ang nasaktan at 3.4 milyong pamilya ang naapektuhan sa pagbagyo ni Yolanda noong Nobyembre 8, kung saan higit apat na beses itong nag-landfall.
Apat na milyong katao pa rin naman ang nawalan ng tirahan mula sa 44 probinsya, 591 bayan, 57 lungsod sa Regions 4-A, 4-B, 5, 6, 7, 8, 10, 11 at Caraga.
Mula sa naturang bilang ay 101,000 pa ang nananalagi sa 381 evacuation centers, ayon pa sa disaster response agency.
Tinatayang nasa P36.6 bilyon ang halaga ng pinsala ng pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sinabi naman ng gobyerno na P1.1 bilyong halaga na ng tulong mula sa kanila at sa mga nagpaabot ng tulong ang kanilang naipamahagi sa mga biktima ng bagyo.