Pangarap na pagkapangulo ni Mar winasak din ni 'Yolanda'

MANILA, Philippines – Hindi lamang mga buhay at ari-arian ang winasak ng nagdaang bagyong “Yolanda” sa Visayas ngunit maging ang pangarap ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na maging pangulo ng bansa, ayon sa isang political analyst.

Sinabi ni Mon Casiple ng Institute for Political and Electoral Reform na kasunod nang pagbagsak ng mga bahay at puno pagkatapos ng bagyo ay bumaba rin ang tsansa ni Roxas na manalo sa 2016 national elections matapos ang palpak na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga nasalanta, partikular sa Tacloban City.

Dagdag niya na mahihirapan si Roxas na mapabango ang kanyang pangalan lalo na’t wala na siyang panahon.

"Obviously, ang tinamaan dito sa 'Yolanda' is Mar Roxas.  I think to the point na luhod sya dito. Mahirap bumangon unless you really make  a  great effort...the problem is that I don't think he has the time," pahayag ni Casiple.

Si Roxas ang napipisil ni Pangulong Benigno Aquino III na magpatuloy ng kanyang mga nasimulan upang makamtan ang pagbabago mula sa pagtahak ng “daang matuwid.”

Ang kalihim ang naatasan din ni Aquino upang pangunahan ang operasyon sa mga sinalanta ni Yolanda.

Sinabi pa ni Casiple na dapat ay naghanda ng “backup plan” ang gobyerno.

"If you're a general, tapos may maganda kang plano pero pagdating mo sa battlefield eh iba pala ang assumptions.  Prepared ka dapat to do away with your entire track otherwise matatalo ka.”

Pinuntirya ni Casiple ang palpak na pagresponde ng gobyerno sa pinakamalakas na bagyo sa buong mundo ngayong taon.

"Tignan mo 'yung effect, 'yung unang tama wasak agad 'yung first responder mismo biktima. At hindi pwedeng sabihin nila Mar Roxas na humahawak ng response na hindi nila alam yun. Nasa Tacloban sila eh.Pati sila na cut off,” banggit ni Casiple.

"It turned out that the apparent protocol is not enough. Walang first responders ang national goverment. Puro sila support. Papasok lang sila after a week... ang tanong dyan anong nangyari sa mga biktima in the first five days. May reports tayo na may naipit sa debris buhay. Wala nang naghahanap ng  survivors. Paano kung 'yung first responder mo under the debris. Paano mo na tulungan 'yung iba?" dagdag niya.

Show comments