MANILA, Philippines - Nagpositibo sa gunpowder nitrates ang kanang kamay ng babaeng pulis na natagpuang patay sa loob ng Philippine National Police Crime laboratory sa Camp Crame, Quezon City.
Sinabi ni Senior Superintendent Wilben Mayor, tagapagsalita ng hepe ng PNP, natagpuan ng gunpowder residue ang kanang kamay ni Inspector Romelou Medina.
Pero hindi pa masabi ng mga awtoridad kung nagpakamatay ba ang pulis dahil hindi pa tapos ang imbestigasyon.
"We cannot still conclude kung anong nangyari doon kasi meron pang kukuning mga statement sa kasamahan niya," banggit ni Mayor sa isang panayam sa telepono.
Sinabi pa ni Mayor na nag negatibo sa ballistics test ang 17 tauhan ng crime lab na nakaduty nang matagpuan ang bangkay ni Medina.
Dagdag niya na ibinigay na rin sa cybe-rcrime group ng PNP ang cellular phone ng biktima upang imbestigahan.
Natagpuan ang nakahandusay at duguang katawan ni Medina kahapon bandang 7:30 ng umaga.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang 9mm service pistol at basyo ng bala mula sa baril ng 35-anyos na pulis.