Hagedorn patung-patong na kaso ang kinakaharap

MANILA, Philippines – Nahaharap sa patung-patong na kaso si dating Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn dahil sa umano'y hindi pagdedeklara ng 59 niyang ari-arian.

Ang abogadaong si Berteni Causing, pinuno ng Hukuman ng Mamamayan Movement at Alab ng Mamamahaya, ang naghain ng kasong perjury, falsification of public documents, at administrative violations kontra kay Hagedorn sa Office of the Ombudsman.

Sinabi ni Causing na hindi tama ang idineklara ni Hagedorn sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN noong nasa puwesto pa siya mula 2004 hanggang 2012.

Dagdag ng abogado na itinatanggi ng dating alkalde na pagmamay-ari niya ang 59 real estate assets na may lawak na 133 hektarya sa Puerto Princesa City kahit na nakapangalan ito sa kanya.

Kalakip ng reklamo ni Causing ang certified true copies ng mga tax declarations ng naturang ari-ariaan kung saan nakasaad ang pangalan ni Hagedorn bilang nagmamay-ari nito.

Sinabi pa ng abogado na apat na ari-arian lamang ang idineklara ni Hagedorn sa kanyang SALN.

Bukod sa mga naturang kaso, inireklamo rin si Hagedorn ng paglabag sa Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees dahil sa hindi pagdedeklara ng tamang ari-arian sa SALN.

Show comments