Comelec en banc tatalakayin ang sitwasyon sa Bohol

MANILA, Philippines - Magpupulong ang Commission on Elections en banc ngayong Biyernes ng hapon upang talakayin kung itutuloy ba ang barangay elections kasunod nang pagtama ng lindol sa Central Visayas, partikular sa probinsya ng Bohol.

Sinabi ng Comelec spokesperson James Jimenez na kasama nilang magpupulong ang Comelec field officials na silang mag-uulat ng kalagayan ng lugar.

"Aalamin natin ang sitwasyon kung safe na mag election,"pahayag ni Jimenez sa isang panayam sa telebisyon.

"Hanggang maaari gusto natin matuloy," dagdag ng tagapagsalita.

Nilinaw din ni Jimenez na walang extension sa paghahain ng certificate of candidacy.

Kahapon ay nagbigay ng dalawang oras na palugit ang Comelec sa mga nais tumakbo sa barangay polls na gagawin sa Oktubre 28.

Samantala, sinabi pa ni Jimenez na hinihintay nilang matapos ang clearing operations ng mga awtoridad sa Zamboanga City bago magdesisyon kung kailan gagawin ang halalan.

Maraming kabahayan at gusali ang nasira sa lungsod matapos ang halos tatlong linggong bakbakan ng Moro National Liberation Front sa pamumuno ni Nur Misuari at ng mga militar.

Aniya, target ng Comelec na maidaos ang halalan bago matapos ang mga termino ng incumbent officials sa katapusan ng Nobyembre.

Nitong kamakalawa ay iminungkahi ng provincial government ng Bohol ang pagpapaliban sa halalan.

Sinabi ni Bohol Governor Edgar Chato nitong Miyerkules na naghain ng resolusyon ang provincial government  sa Comelec upang bigyan sila ng special elections.

Tumama ang magnitude 7.2 na lindol sa Central Visayas, kung saan ang probinsya ng Bohol ang may pinakamalalang pinsala.

Umabot na sa 171 ang nasawi, karamihan dito ay mula sa Bohol.

Show comments