MANILA, Philippines - Higit isang libong aftershocks na ang naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) kasunod ng magnitude 7.2 na lindol sa Cebu at Bohol.
Sinabi ng Phivolcs na nasa 1,213 aftershocks ang naganap mula sa huling talaan kaninang ala-5 ng umaga. Sa naturang bilang ay 24 lamang ang naramdaman.
Pinakamalakas na aftershock ang dalawang beses na pagyanig ng lupa sa Tagbilaran City sa lakas na magnitude 5.1.
Tumama ang magnitude 7.2 na lindol nitong kamakalawa dahil sa vertical movement ng East Bohol Fault.
Nauna nang sinabi ni Phivolcs executive director Renato Solidum na magpapatuloy ang mga aftershocks ngunit mababawasan ito habang tumatagal.
Samantala, pinayuhan naman ni NDRRMC executive director Eduardo del Rosario ang publiko na iwasang mag-panic sa mga nararanasang aftershocks.
"Hindi po masyadong alarming because normal ang aftershocks after a major earthquake," pahayag ni del Rosario kahapon.