MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Department of Justice na kasuhan ng pandarambong sa Office of the Ombudsman ngayong Huwebes si dating Pangulo Gloria Macapagal-Arroyo at limang dating opisyal ng gobyerno dahil sa umano’y pangungurakot sa Malampaya fund.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na naglabas ng Executive Order 848 sina Arroyo at dating Executive Secretary Eduardo Ermita upang magalaw ang Malampaya funds mula sa natural gas upang pondohan ang mga livelihood projects.
Bukod kina Arroyo at Ermita sangkot din sa kasong pandarambong para sa P900 milyon scam noong 2009 sina:
- Dating Department of Budget and Management (DBM) Secretary Rolando Andaya (now Camarines Sur congressman)
- Dating Department of Agrarian Reform (DAR) former Secretary Nasser Pangandaman
- Dating DAR Undersecretary Rafael Nieto
- Dating DAR finance officer Teresita Panlilio
- Department of Budget and Management Undersecretary Mario Relampagos
"The officials received kickbacks or commissions amounting to P337,775,000 [and] were distributed to the public officials who participated in the plunder scheme," pahayag ni De Lima sa isang pulong balitaan matapos ibigay kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales ang kanilang report.
Dagdag ni De Lima na ang whistleblower na si Benhur Luy ang kumilala sa mga sangkot sa scam na pinadaan sa mga pekeng non-government organization ni Janet Lim-Napoles, ang siya ring itinuturong utak sa likod ng pork barrel scam.
Dumaan ang kinurakot na pondo sa 12 NGO ni Napoles kung saan ginamit niya ang iba’t ibang pangalan bilang incorporator.
- John Lim - Ginintuang Alay sa Magsasaka Foundation ( pamangkin ni Napoles)
- Ronald Francisco Lim, - Micro Agri Business Citizens Initiative (kapatid ni Napoles)
- John Raymond de Asis - Kaupdanan para sa Mangunguma Foundation
- Genevieve Uy - Kasaganahan para sa Magsasaka Foundation
- Simplicio Gumafelix of Karangyaan - Magbubukid Foundation
- Jesus Castillo - Dalangpan Sang Amon Utod Foundation
- Nova Kay Dulay - Tanglaw Para sa Magsasaka Foundation
- Gertrudes Kilapkilap, Bukirin Tanglaw Foundation (Gertrudes Luy ang tunay na pangalan ina ng whistleblower na si Benhur Luy)
- Lilian Espanol - Saganang Buhay sa Atin Foundation
- Lorna Ramires - Masaganang Buhay Foundation
- Vanessa Eman - Abundant Harvest for People’s Foundation
- Eulogio Rodriguez - Gintong Pangkabuhayan
Sinabi pa ni De Lima na pineke ni Napoles ang lagda ng ilang alkalde sa 97 na liham upang ilabas ng DAR ang pondo para sa mga NGO.
Sina Andaya, Nieto, Pangandaman at Panilio ang umano’y nag awtorisa sa paglabas ng milyung-milyong pondo para kina Napoles.