MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Commission on Audit ang imbestigasyon sa maanomalyaang Disbursement Acceleration Program (DAP) ni Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni COA chairman Gracia Pulido Tan ngayong Martes na sisimulan nila ang pagsisiyasat sa mga record ng Department of Budget and Management (DBM).
"Ang unang takeoff point namin d'yan ay DBM. Magkano ang total DAP na ni-release, kanino ni-release? [Kapag sinabi] sa ahensyang ito then pupuntahan namin ang ahensya. Paano naman ginamit ito ahensya? So, that's the process," pahayag ni Tan.
Pumutok ang isyu sa DAP matapos itong isiwalat ni Senador Jinggoy Estrada ang karagdagang pondong natanggap para sa mga bumoto sa pagpapatalsik sa puwesto ni dating Chief Justice Renato Corona noong 2012. Kinuha ang pondo ng DAP sa umano’y savings ng mga ahensya ng gobyerno.
"Paanong nagkaroon tayo ng savings, ang laki naman ng deficit natin?" tanong ni Tan at tinukoy ang P72 bilyon na pondo ng DAP noong 2011 pa lamang..
"Ano ang legal na basis ng pag-create ng pondong ito? ... Kasi ang gawain ng Kongreso, siya ang nag-a-approve ng pag-allocate ng pera," tanong pa ni Tan.
Naunaa nang sinabi ni dating National Treasurer Leonor Briones na dapat bumuo nang special audit sa DAP.
"Clearly, it is pork. By definition and tradition and international language, pork is given to legislator. Is it correct? No because it is pointed out that their function is to create laws not implement projects," banggit ni Briones.
"Is there an executive order? Is there a provision in the Constitution which legitimizes the creation? I also have more questions, the answers should come from the DBM and the Executive," dagdag niya.