MANILA, Philippines - Pinabulaanan ni Budget and Management Secretary Butch Abad ngayong Miyerkules ang paratang ng isang senador na dinagdagan umano ang kanilang pondo matapos bumotong mapatalsik ang dating chief justice.
Mariing itinanggi ni Abad ang akusasyon ni Senador Jinggoy Estrada na dinagdagan sila ng P50 milyon kapalit ng pagpapatalsik kay dating Supreme Court Chief Justice Renatro Corona.
"We absolutely deny the allegation. This administration does not have policy of bribing anyone whether they are officials or private people," pahayag ni Abad sa isang panayam sa telebisyon.
Kahapon ay isiniwalat ng senador sa kanyang privilege speech ang karagdagang pondo na umano'y "private and confidential letter" mula kay dating finance committee chair at ngayo'y Senate President Franklin Drilon.
"Saan galing ang pinamigay na pondo? I am sure alam ni Secretary Abad ang sagot sa tanong na ito," sabi ni Estrada sa kanyang talumpati.
Itinanggi naman ni Drilon ang "pasabog" ni Estrada.
Kinuwestiyon din ni Abad ang pribadong sulat at sinabing maaaring hindi ito opisyal na liham mula sa gobyerno.
"He jumped to a conclusion that the DBM or the administration was instrumental in bribing him," komento ni Abad.
"He said it was private and confidential, which means it must have been just a simple note. It could not have been an official document coming from government," dagdag niya.
Aniya wala silang ideya kung ano ang laman ng sinasabing liham ni Estrada.
"We have no idea what the content of that note is."
Sinabi pa ni Abad na sana ay nagpaliwanag na lamang si Estrada kung bakit siya ang itinuturong isa sa may pinakamalaking "naibulsang" pondo mula sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Dagdag ng kalihim na inasahan ng lahat ang kanyang pagpapaliwanag ngunit bagkus ay nagturo lamang ito.
"It did not help his case... to clarify his own position," sabi ni Abad.