21 pugante ng Bukidnon nakilala na

MANILA, Philippines - Pinangalanan na ng mga pulis ngayong Huwebes ang 21 pugante ng isang City Jail sa Bukidnon na nakatakas nitong kamakalawa.

Nakilala ang mga pugante na sina Khalid Anggao, Ronald Ga, Teofisto Villamero, Jorem Barros, Carlos Lubos, Rogelio Tayros, Reymart Belmes, Roel Llacuna, Rodney Trinidad, Name Usop, Kairama Usop, Dionesio Daulong, Albert Espinosa, Macxie Macarampat, Jeffrey Odagon, Ronnie Recibdo, Abdul Nasser Roquero, Jamal Sambarani, Jenie Armecin, Marlon Canoy at Papaw Sarip.

Naganap ang pagtakas nitong Martes bandang 3:30 ng hapon matapos makapasok sa armory ang mga pugante at nakakuha ng limang 9mm pistol at anim na shotgun.

Walang nagawa ang mga jail guards at nakatakas ang mga preso sa pag-akyat sa pader.

Lumabas sa imbestigasyon ng mga Valencia City Police na hindi naging maganda ang pagtrato ng mga jail guard sa mga preso.

Ayon sa kanilang mga nakausap na preso ay hindi malinaw ang patakaran sa loob, at walang nangyayaring pagdinig sa kaso.

Dagdag ng 254 na preso na maging ang ration ng pagkain sa kanila ay binabawasan.

Samantala, kusang sumuko ang isa mga puganteng si Sambarani limang oras makalipas nang kanilang pagtakas.

Narekober ng mga pulis ang isang shotgun at dalawang motorsiklo sa kanilang pursuit operations.
 

Show comments