Isa pang sanggol isinilang sa LRT

MANILA, Philippines - Isa na namang babae ang inabot ng panganganak sa loob ng isang tren ng Light Trail Transit (LRT) Line 2 sa Maynila nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Hernando Cabrera, tagapagsalita ng LRT Authority, ang 23-anyos na babae ay nanganak sa Recto station bandang 8:50 ng umaga.

Sinabi ni Cabrera na patungo pa ng Dr. Jose Fabella Memorial Hospital ang babe kasama ang kanyang mga magulang nang makaramdam siya ng pagsakit ng kanyang sinapupunan sa Legarda station.

Agad sumaklolo ang isang nars na sakay rin ng naturang tren at tinulungan ang babae na ipanganak ang kanyang sanggol.

“Papunta raw sila sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital nang mapabilis ang panganganak niya at sa tren na siya inabutan,” ani Cabrera.

Ayon kay Cabrera, ang sanggol na babae ang pang-16 na batang isinilang sa tren ng LRT simula nang magsimula itong tumakbo noong 1984.

Pangatlo naman ang bata sa mga ipinanganak ngayong taon. Ang pinakahuling panganganak na nangyari sa LRT ay nito lamang ika-31 ng Hulyo.

Show comments