MANILA, Philippines – Inilagay na sa state of calamity ng pamahalaang lokal ang buong siyudad ng Muntinlupa dahil sa pagbahang dulot ng walang humpay na pag-ulan.
Sinabi ng alkaldeng si Jaime Fresnedi na nagpulong sila kanina ng city council at napagdesisyunang maglabas ng resolusyon na ilagay sa state of calamity ang lungsod.
"Nag request kami sa City council para mabigyan naman ng dagliang tulong ang mga kababayan namin," pahayag ni Fresnedi.
Aniya, nasa 7,705 na pamilya na ang apektado ng pagbaha sa lungsod kung saan 138 dito ay nasa mga evacuation centers.
Dagdag ng alkalde na nakahanda na rin lumikas ang mga residente malapit sa Laguna de Bay.
"Nakahanda na sila na mag evacuate pero talagang naghihintay sila ng sitwasyon na delikado, gayun pa man talagang nakahanda sila."