Sobra-sobrang PDAF ng 74 solons, buking sa COA

MANILA, Philippines – Lumabas sa pagsisiyasat ng Commission on Audit na 74 mambabatas ang nakakuha ng sobra-sobrang Priority Development Assistance Fund (PDAF) noong 2007-2009.

Sinabi ni COA chairwoman Grace Pulido-Tan sa na daan-daang milyong PDAF ang nakuha ng mga mambabatas.

"Pag sinabi nating labis-labis... hindi lang po P1 million o P5 million, ang labis hundreds of millions and at least one lawmaker got almost P3 billion allocation for PDAF,” payahag ni Pulido-Tan.

Dagdag niya na ang isang mambabatas pa nga na ayaw niyang pangalanan ay nakakuha umano ng P3 bilyon.

“Paano nangyari na isang kongresista ay halos 3 billion ang na-release sa kanya? Ano itong mga proyekto na ito.”

Kada taon ay nakakatanggap ng P200 milyon PDAF ang mga senador, habang P70 milyon naman sa mga kongresista.

Ayon pa sa report ng COA ay nakatanggap ng P32.347bilyon ang 356 kongresista noong 2007-2009, kabilang ang Luis Abalos na hindi naman miyembro ng 13th at 14th Congress.

Nakakuha naman ng P6.156 bilyon ang 12 senador at 180 kongresista para pondohan ang 82 non-government organizations noong 2007-2009.

Napatunayan ng COA na may mga iregulidad sa paggamit ng PDAF ng mga mambabatas mula sa sobra-sobrang natatanggap na pork barrel hanggang sa mga ghost project at beneficiaries.

 

Nalaman sa pagsisisyasat ng COA na:

1. Maraming mambabatas ang nakatanggap ng sobra-sobrang PDAF.

2. Mga proyekto ng mambabatas na labas sa kanilang nasasakupan.

3. Nakatanggap ng P20 milyon ang “Luis Abalos” na hindi naman mambabatas.

4. Paglabag sa patakaran ng Budget Deparment sa paglalabas ng pondo na walang endorse mula sa mga ahensya.

5. Mga kaduda-dudang address ng 82 NGO.

6. Hindi pagdaan sa public bidding ng mga natanggap ng mga NGO.

7. Kaduda-dudang mga transaksyon ng mga NGO sa mga supplier ng agricultural products.

8. Walang business permit ang mga supplier ng NGO.

9. P123 milyon na bayad sa mga tauhan ng mga NGO.

10. Maraming proyekto ang kulang-kulang at sobra-sobra ang halagang nagastos.

11. 54 proyektong nagkakahalaga ng P154 milyon na itinayo sa mga pribadong lupa na dapat ay sa pagmamay-ari ng gobyerno.

12. Mga pangalan ng benipesyaryo na kinuha mula sa mga pumasa ng board exam.

 

Show comments