MANILA, Philippines – Muling isinulong ni dating pangulo at ngayo’y Pampanga representative Gloria Macapagal Arroyo ang panukala laban sa mga “paparazzi†na nanghihimasok sa pribadong buhay ng bawat tao.
Nais panagutin sa batas ni Arroyo at ng kanyang anak na si Camarines Sur Rep. Diosdado Arroyo ang mga photographer na gumagamit ng mahahabang lente upang makuhaan ang mga gawain ng isang tao.
Kabilang din sa panukala ang pagbabawal sa paggamit ng hyperbolic microphones upang mapakinggan ang pag-uusap.
"Due to these developments, harassment and trespassing threaten not only public persons and their families, but also private persons and their families whose personal tragedies or circumstances beyond their control create media interest," sabi ng mga mambabatas sa House Bill 1390.
Ang anumang panghihimasok na magreresulta sa kamatayan ay pagmumultahin ng P50,000 at reclusion temporal o pagkakakulong ng 12 taon at isang araw hanggang 20 taon.
Kung sakaling magdulot ito ng seryosong pinsala sa biktima, kinakailangang magbayad ng P20,000 at maaaring makulong ng anim na taon hanggang 12 taon.
Kinakailangan namang magbayad ng multang P1,000 at maaaring makulong ng isang buwan pataas kung walang maidudulot na pinsala o kamatayan.
Nananatiling naka-hospital arrest si Arroyo dahil sa kasong pangsasabotahe ng eleksyon.