MANILA, Philippines – Tulad ng inaasahan, hinirang ng mga kapwa niya senador si Franklin Drilon bilang presidente ng Senado sa pagbubukas ng 16th Congress ngayong Lunes.
Nakakuha ng 17 boto si Drilon laban kay dating Senate President Juan Ponce Enrile na umani ng anim na boto. Hinirang si Enrile bilang minority leader.
Napili naman si Ralph Recto bilang Senate Pro-Tempore kapalit ni Jinggoy Estrada.
Ininomina ni Senator Francis Escudero si Recto at inayudahan ni Senator Sergio Osmeña III, kapwa kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III.
Ilang buwan bago ang pagbubukas ng 16th Congress ay napipisil na ng mga kapwa senador ni Drilon na siya ang umupo sa puwesto.
Samantala, patuloy ang botohan ng mga miyembro ng House of Representatives para sa speakership.
Lamang sa botohan si incumbent House Speaker Sonny Belmonte. Nominado rin sa naturang posisyon si San Juan City Rep. Ronaldo Zamora.