Phase out sa mga bulok na dyip, plano ng LTFRB

MANILA, Philippines – Muling pinag-iisipan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagtatakda ng age limit sa mga pampasaherong dyip.

Sinabi ni LTFRB Chairman Winston Ginez ngayong Huwebes na plano nilang i-phase out ang mga kalawangin at lumang jeep, pero nilinaw din niya na pinag-uusapan pa lamang nila ito.

"Wala pa tayong itinakdang panahon kung kelan natin ito ipapatupad. Sa katunayan hindi pa namin napapag-desisyunan kung ano ang age limit na ipapatupad natin sa jeepney," ani Ginez sa isang panayam sa telebisyon.

Unang isinulong ito ni dating LTFRB chair Elena Bautista noong 2004, ngunit hindi ito naipatupad.

Inaasahan naman ni Ginez na tututulan ng transport groups ang naturang plano kaya tiniyak niya na bago ito ipatupad ay magkakaroon muna ng konsultasyon sa lahat ng mga grupong maaaring maapektuhan nito.

"Konsultasyon ang aming gagawin nang magkaroon ng mas malinawanag na pagbabalangkas ng alituntunin tungkol dito," dagdag ng pinuno ng LTFRB.

Show comments