MANILA, Philippines - Nangunguna sa listahan ng mga foreign drug personality sa Pilipinas ay mga Chinese, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Martes.
Sinabi ng PDEA na halos kalahati ng kabuuang bilang ng kanilang mga nadakip sa unang anim na buwan ng taon ay pawang mga Chinese.
Umabot sa 26 Chinese ang kanilang nahuli o 49 percent ng 53 kataong nasakote ng ahensya dahil sa ilegal na droga.
Pinaigting din ng PDEA ang kanilang kampanya kontra drug couriers, kung saan 13 miyembro ng sindikatong Afrikano ang kanilang nahuli, pito dito ay Nigerian.
Ipinagmalaki naman ni PDEA director genereal Arturo Cacdac Jr. ang pagkakakumpiska ng P1.2 milyong halaga ng droga mula sa kanilang 7,789 sting operations ngayong taon.
Umabot naman sa 4,476 drug personalities ang kanilang nadakip, 333 dito ay pawang mga high value targets.
"We have crossed the halfway mark of the year with the arrests of high value targets which confirmed their vital roles in the bulk distribution of illegal drugs in the country," sabi ni Cacdac.
Inilabas ng PDEA ang mga bilang matapos akusahan ng isang PDEA agent na si Jonathan Morales si Cacdac na takot itong humuli ng mga Chinese drugs syndicate sa bansa.