MANILA, Philippines - Nakahanap ng kakampi si assistant labor attaché in Riyadh Antonio Villafuerte sa isang Overseas Filipino Worker (OFW) mula Saudi Arabia.
Ipinagtanggol ni James Limbaro si Villafuerte mula sa mga akusasyong ibinabato sa opisyal na may kinalaman siya sa "sex-for-flight" scheme, kung saan ibinubugaw umano ang mga babaeng OFW kapalit ng plane ticket nila pauwi ng Pilipinas.
Tinakasan ni Limbaro ang kanyang umano'y abusadong amo at nakakuha ng tulong mula kay Villafuerte ng walang kapalit.
Sinabi pa ng OFW na ito ang unang pagkakataon na may narinig siyang reklamo laban sa labor official na aniya'y nakatulong ng malaki sa mga Pilipino sa Gitnang Silangan.
"Si Villafuerte tumutulong agad at walang kapalit," pahayag ni Limbaro sa isang panayam sa radyo.
Tatlong babaeng OFW ang nagtuturo kay Villafuerte na umabuso sa kanila habang nakatira sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Riyadh.
Sinasabi ng dalawang OFW na nakilala lamang sa pangalang Angel at Annaliza na inalok sila ni Villafuerte na mag part-time job bilang sex workers kapalit ng pagpapauwi sa kanila.
Itinanggi ni Villafuerte ang mga alegasyon sa kanya.
Maaring matanggal sa trabaho si Villafuerte at makulong kung mapapatunayan ang mga ibinihintang sa kanya.
Samantala, sinabi ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz na inihahanda na nila ang preliminary investigation sa kaso ni Villafuerte upang malamang mung mayroong "prima facie evidence" para sa pagsasampa ng kasong administratibo.
“Give him (Villafuerte) the opportunity to reply to all the charges and to confront the complainants and also the witnesses so we can establish the truth,†sabi ni Baldoz.
Si Akbayan Party-list Rep. Walden Bello ang nagpaputok ng "sex-for-flight" scheme noong nakaraang linggo. Bukod kay Villafuerte, itinuturo rin ni Bello ang isang Mario Antonio na assistant labor attaché sa Amman, Jordan.
Itinanggi na rin ni Antonio na sangkot siya sa naturang raket.