MANILA, Philippines - Natagpuan na ng search and rescue team ang pinaniniwalaan nilang malaking bahagi ng bumagsak na OV-10 Bronco bomber ng Philippine Air Force sa Palawan nitong Linggo ng gabi, ayon sa isang opisyal ng Philippine Navy ngayong Huwebes.
Sinabi ng tagapagsalita ng Western Command (Wescom) na si 1st Lt. Cherry Tindog na handa na nilang suriin ang Bronco na lumubog ng 200 talampakan sa katubigan ng Palawan. Aniya, naghahanda na ang mga divers ng Philippine Navy Seals upang sisirin ang kinaroroonan ng bumagsak na eroplano.
Nais ng Wescom na malaman kung nasa loob ba ng bumagsak na eroplano ang dalawang nawawalang piloto na sina Maj. Jonathan Ybañez at co-pilot 1st Lt. Abner Nacion.
Naniniwala pa rin ang mga rescuer na maaaring nag-eject ang dalawang piloto bago bumagsak ang eroplano kaya hindi pa lumilipat ang operasyon mula search and rescue sa search and retrieval.
Nitong Miyerkules ay iniutos ni Wescom commander Lt. Gen. Rustico Guerrero ang pagbuo ng "Task Force Bronco" na tututok sa paghahanap sa dalawang piloto.
Pangungunahan ni Brig. Gen. Conrado Parra, Jr. ng 570th Composite Tactical Wing ng Camp Antonio Bautista Airbase sa Palawan ang task force.
Kabilang sa bagong grupo ang air at naval officers na pamumunuan ni Commodore Rustom Peña; ang PNP-Maritime Special Boat Unit at mga miyembro ng Philippine Coast Guard sa pamumuno ni Commodore Efren Evangelista.
Sinabi ni Tindog na ang task force ang bahala sa pagbibigay ng impormasyon sa mga mamamahayag at kamag-anak ng nawawalang pilot.