MANILA, Philippines – Sinuspinde ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang dalawang piloto ng Cebu Pacific flight na sumadsad sa runway ng Davao International Airport.
Sinabi ni CAAP Deputy Director General John Andrews na anim na buwang suspendido si Captain Roel Oropesa. Bawal din siyang maging first-in-command ng isang taon.
“After the lapse of the six-month suspension and compliance with the requirements for the reinstatement of the Airline Transport Pilot License, [Oropesa] will act only as Second-In-Command for a period of one year," pahayag ni Andrews sa isang televised press briefing ngayong Martes.
Tatlong buwan namang suspendido si First Officer Edwin Perello, ang co-ilot ng Cebu Pacific flight 5J-971.
Sinabi ni Andrews na hindi nagawa ng dalawang piloto ang mga emergency evacuation demonstration at mga cockpit checklist sa paglapag ng eroplano.
Dagdag ni Andrews na pinilit ng dalawang piloto palapagin ang eroplano kahit “zero visibility†na dahil sa matinding buhos ng ulan. Mahigpit ito ipinagbabawal base sa kanilang patakaran.
Noong Hunyo 2 ay sumadsad ang harapang bahagi ng eroplano, galling ng Maynila patungong Davao City, matapos itong lumapag sa Davao International Airport.
Dalawang araw ang lumipas bago ito matanggal sa runway kung saan maraming biyahe ang kinansela.
Sa tantiya ng lokal na pamahalaan, aabot sa P250 milyon ang halaga ng nawala sa kanilang ekonomiya dahil sa insidente.