MANILA, Philippines – Patay sa pananambang ang isang kapitan ng barangay at isang batang babae habang malubhang sugatan ang isa pa nitong Miyrekules ng gabi sa lungsod ng Zamboanga.
Paniwala ng mga pulis ay may kinalaman ang insidente sa nalalapit na barangay election.
Kinilala ni Senior Inspector Chester Natividad, hepe ng Police Station 10 commander, ang biktima na si Kapitan Allimudin Quiallah ng Barangay Cusipan, Sibucon, Zamboanga del Norte at 10 taong gulang na si Jay Ann Ismael, habang si Tottoh Mohammad Ismael, 26, ang sugatan.
Base sa imbestigasyon, kabababa lamang ng bangka ng mga biktima mula sa bayan ng Sibuco nang pagbabarilin sila ng armadong kalalakihan bandang alas-8 ng gabi.
Kaagad nasawi sina Quillah at ang batang dahil sa maraming tama ng bala sa katawan. Agad namang naisugod sa Zamboanga City Medical Center (ZCMC) si Tottoh.
Sinabi ng pulisya na malaki ang posibilidad na may kinalaman ang insidente sa pagtakbo ni Quillah sa barangay election.
Samantala, sa parehong na araw ay dalawang katao rin ang nasawi sa hiwalay na pamamaril sa lungsod ng Pagadian at Dinas sa Zamboanga del Sur.
Nakilala ang mga biktima na sina Ronald Eramil Sumalpong, 28 ng Barangay Mirapao at Angelito Bulahan, 44 ng Barangay Banale, Pagadian City.
Sakay ng motorsiklo si Sumalpong nang harangin siya ng armadong kalalakihan at pagbabarilin gamit ang kalibre .45 sa Barangay Old Mirapao.
Pinagbabaril naman sa harap ng kanyang asawa si Bulahan sa Agora market sa lungsod ng Pagadian ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo.
Patuloy pa rin ang mga imbestigasyon sa magkakahiwalay na insidente.