MANILA, Philippines – Sinuspinde ng mga opisyal ng Department of Education ang lahat ng klase sa bayan ng Pagalungan at Montawal sa Maguindanao dahil sa baha bunsod ng walang tigil na ulan na nagpaapaw sa mga ilog.
Ayon sa mga pampublikong guro ng Pagalungan ay baha pa rin sa mga paaralan kaya’t hindi pa ito maaaring magamit.
Bukod sa mga nasabing bayan ay inabot na rin ng baha ang karatig bayan na Pikit, Tulunan, Mlang, Kabacan at ilang parte ng Midsayap na pawang nasa Maguindanao rin.
Higit 30,000 na pamilya na mula sa North Cotabato at Maguindanao ang inilikas sa ligtas na lugar.
Sinabi ni Col. Dickson Hermoso, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Army, na bumuo na sila ng emergency teams mula sa 5th Special Forces Battalion, 7th Infantry Battalion, at 602nd Brigade upang tulungan ang mga nasalantang residente.
Samantala, sinabi naman ni Lynnete Estandarte, hepe ng budget division ng opisina ni Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu, na duse-dosenang barangay sa bayan ng Rajah Buayan, Sultan sa Barongis at Datu Paglas sa ikalawang distrtito ng probinsya ang binaha rin.
“We’re now repacking rice and other food provisions for the flood victims procured by the office of the governor,†ani Estandarte.
Dagdag niya na umabot na sa 12,369 na pamilya na ang nasalanta ng pagbaha.