MANILA, Philippines – Kumpiyansa pa rin ang administrasyong Aquino sa kakayahan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahit marami nang nag-aalisan na mga weathermen nito para magtrabaho sa ibang bansa dahil sa mas mataas na sweldo.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na may mga bagong pasok na rin naman na mga tauhan ang PAGASA kahit umalis na ang administrator nito na si Dr. Nathaniel Servando.
"Confident naman po tayo dun sa kakayahan ng mga forecasters natin," sabi ni Valte.
Naiulat na tinanggap ni Servando ang trabaho sa Dubai bilang guro dahil sa mas mataas na suweldo upang matustusan ang pag-aaral sa kolehiyo ng kanyang anak.
Umabot sa 22 weather forecaster ng PAGASA ang umalis mula noong 2005 hanggang 2011 dahil sa mas mataas na kita sa ibang bansa.
Pero sinabi ni Agham Party-list Rep. Angelo Palmones na hindi lamang pera ang dahilan ng paglisan ng mga meteorologist sa bansa.
"Mas malaki siguro yung punto ng respeto, pagpapahalaga, anong klaseng future ang naghihintay sa kanila," sabi ni Palmones sa isang payam sa telebisyon.
Sinagot naman ito ni Valte at sinabing pinagkakatiwalaan at nirerespeto naman nila ang mga tauhan ng PAGASA.
"We in the government have always said that our forecasters can stand up to the test. Nakikita naman po natin 'yan kapag nagkakaroon ng kalamidad, nagkakaroon ng unos, nandyan naman palagi ang mga PAGASA forecasters natin. They bear the brunt of the stress whenever there is any calamity that we go through," pahayag ni Valte.
Noong 2010 ay tinanggal ni Pangulong Aquino si Dr. Prisco Nilo bilang administrator ng PAGASA dahil sa umano’y kapalpakan nito sa pagtataya ng panahon kung saan nanalasa si Typhoon Basyang.
Nagkamali ang PAGASA sa pagbasa kung saan tutungo ang Basyang kung saan sinabi nilang mananalasa ito sa hilagang Luzon ngunit tumama iito sa Metro Manila.
Sinabi ni Palmones na ang kagamitan ng PAGASA ang palpak at hindi ang mga weather forecaster.
Nitong nakaraang Linggo ay sinertipika ni Aquino ng “urgent†ang panukalang pagpapaganda sa PAGASA.
Samantala, sinigurado ng Palasyo na matutugunan ang mga isyu sa allowances ng mga dalubhasa ng PAGASA at mga empleyado nito.
"We hope to see some resolution to [those issues] this year," sabi ni Valte.