MANILA, Philippines – Dalawa ang kumpirmadong patay matapos lumubog ang isang roll on-roll off (Ro-Ro) na barko sa Burias Island sa Masbate ngayong Biyernes ng madaling araw.
Kinilala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang isa sa mga biktima na si Perlita Senia, 50. Patuloy naman ang rescue operation para sa iba pang mga pasahero.
Sa pinakahuling ulat, umabot na 34 katao na, kabilang ang kapitan ng barko na si Lauro Mateo, ang nasasagip ng mga divers ng PCG,
Sinabin ni PCG spokesman Lt. Cdr. Armand Balilo na may sakay na 22 tripulante at 40 pasahero ang M/V Lady of Mount Carmel nang umalis ito sa Pio Duran, Albay sa ganap na alas-2 ng madaling araw. Patungo ng Arogoy, Masbate ang barko nang lumubog bandang 5:30 ng madaling araw.
Sinabi ng PCG na maganda naman ang panahon sa lugar nang maganap ang insidente.
Sa isang panayam sa radyo, sinabi ng kapitan ng barko na biglaan ang pagtagilid ng barko hanggang sa lumubog na ito.
Sinabi pa ng kapitan na katatapos lamang sumailalim sa maintenance procedure ang barko bago naglayag.
Aniya, namigay sila ng mga life jacket sa habang lumulubog ang barko, ngunit hindi lahat ng pasahero ay nabigyan.
Samantala, sinabi naman ni Coast Guard Seaman First Class John Michael Mandane sa hiwalay na panayam sa radyo na may sakay na dalawang bus at isang six-wheeler na truck ang Ro-Ro.
Sinabi ni Mandane na sa pinakahuling ulat na natanggap nila, malalim na ang pagkakalubog ng barko sa dagat dahil hindi na ito makita ng mga divers.