MANILA, Philippines - Arestado ang isang dating pulis ng Quezon City matapos makuhanan ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ng ilegal na droga sa loob ng kanyang bahay.
Sinabi ni PDEA director general Arturo Cacdac Jr. na nadakip ang suspek na si Ramon Estrella, 45, ng Saint Vincent Street, Brgy. Holy Spirit, Quezon City matapos halughugin ng mga tauhan ng anti-narcotics ang kanyang bahay sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Fernando Sagun Jr. ng Quezon City Regional Trial Court Branch 78.
Dagdag ni Cacdac na kabilang ang suspek sa target-list ng Quezon City Police district.
Nasibak mula sa serbisyo si Estrella noong 2009 na may ranggo na Police Officer 3.
Inihayin ng mga tauhan ng PDEA Special Enforcement Service ang search warrant kay Estrella sa kanyang bahay nitong Lunes.
Nasabat ng PDEA ang apat na pakete ng shabu na may timbang na 20 gramo, ​mga tuyong dahon ng marijuana, dalawang kalibre .38 na revolver, walong bala nito, at iba't ibang drug paraphernalia.
Nahaharap sa kasong paggamit ng ilegal na droga si Estrella.