MANILA, Philippines – Utas ang kapitan ng baranagy sa Datu Hofer Ampatuan, Maguindanao nitong Martes matapos tambangan ng hindi pa nakikilalang armadong kalalakihan, isang pangyayari na maaaring magpalala pa ng tensyon sa lugar.
Nasawi si Judito Unao, kapitan ng Barangay Limpongo, dahil sa iba't ibang tama ng bala sa katawan.
Nakatayo lamang sa labas ng kanyang bahay si Unao nang paputukan ng dalawang armadong kalalakihang sakay ng motorsiklo gamit ang kalibre .45 pistol.
Kilalang taga-suporta ng elected municipal mayor Johayra Midtimbang Ampatuan, asawa ng nakakulong na dating gobernador ng Autonomous Region in Muslim Gov. Zaldy Ampatuan.
Ayon kay Army Col. Dickson Hermoso, public affairs chief ng 6th Infantry Division, sinubukang habulin ng tauhan ng First Mechanized Brigade ang mga suspek ngunit hindi nila ito nahuli.
Dagdag ni Hermoai na nakatakas ang mga suspek patungong Barangay Tuayan sakay ng motorsiklo.
Inaalam pa rin ng Maguindanao police ang pagkakakilanlan ng mga armadong kalalakihan at ang motibo ng kanilang pag-atake.
Sinabi ni Hermoso na nagpadala na ng emisaryo ang Army upang kumbinsihin ang mga pinuno ng angkan ng Unao na hayaang makapag-imbestiga ang mga pulis upang mahuli ang mga suspek.