MANILA, Philippines - Tapos nang magsagawa ng ballistic tests ang Taiwenese investigators sa armas ng Philippine Coast Guard na ginamit sa pamamaril sa mangingisdang Taiwanese sa karagatang malapit sa Batanes noong Mayo 9.
Sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Deputy Director Virgilio Mendez na wala pang resulta sa pag-aaral dahil sa Taiwan pa gagawin ang "cross matching."
Pinanood din ng Taiwanese investigators ang video ng PCG ng naganap na pamamaril sa Balintang Channel sa pagitan ng awtoridad ng Pilipinas at mangingisdang Taiwanese.
Naniniwala si Andre Lim, diplomatic affairs officer ng Taiwan Economic and Cultural Office, na makakatulong ang video sa kanilang imbestigasyon.
Inaasahan ding iinspeksyunin ng mga Taiwanese probers ang marine vessel ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na sangkot sa insidente. Nakatakda ring kausapin nila ang opisyal ng ahensya at PCG bukas.
Nagkasundo ang dalawang bansa na nagsagawa ng parallel investigation sa pamamaril.
Nagpadala ang Pilipinas ng walong tauhan mula sa NBI sa Taiwan upang imbestigahan ang fishing vessel at kausapin ang mga tripulante nito.
Hihingi rin ng autopsy report ang NBI sa katawan ng biktima matapos tumanggi ang pamilya nito na magsagawa ulit ng autopsy.