MANILA, Philippines - Tumulak na patungong Taiwan ang eight-man probe team ng National Bureau of Investigation (NBI) upang magsagawa ng mas malawak na imbestigasyon sa pagkamatay ng isang mangingisdang Taiwanese noong Mayo 9 sa Balintang Channel sa Batanes island.
Umalis ang grupo ng NBI kaninang 7:30 ng umaga sakay ng Philippine Airlines flight PR 896 at lumapag sa Taiwan bandang 9 ng umaga.
Ayon sa mga ulat, bahagya pang nagkaproblema ang mga tauhan ng NBI matapos harangin ng immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport dahil sa kakulangan ng mga papeles upang makabiyahe patungong ibang bansa.
Tutulungan ng mga opisyal ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang grupo ng NBI sa pakikipagpulong sa awtoridad ng Taiwan.
Sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na iimbestigahan ng NBI ang fishing vessel na pinagbabaril ng Philippine Coast Guard at kakausapin din ang mga kasamhan ng biktima.
Sinigurado naman ng awtoridad ng Taiwan ang seguridad ng mga tauhan ng NBI, ayon sa Malacañang.
Pinabulaanan din ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte ang mga ulat na ibinasura ng Ministry of Justice in Taiwan ang pagpapadala ng Pilipinas ng mga imbestigador.
Nagkasundo ang Pilipinas at Taiwan na magsagawa ng parallel investigation sa insidente.