MANILA, Philippines - Lumagda na sa isang kasunduan ang dalawang nagbabanggaang mga grupo ng Moro National Liberation Front (MNLF) at Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Huwebes upang matigil na ang kaguluhan sa Matalam, North Cotabato.
Ilang linggo ring nagbakbakan ang dalawang grupo na dahilan upang pansamantalang mawalan ng tirahan ang may 6,320 na residente ng bayan.
Nilagdaan nila Mansur Imbung ng 108th Base Command ng MILF aT Datu Dima Ambil, pinuno ng Sebangan Kutawato State Revolutionary Committee ng MNLF, ang kasunduan sa harap ng mga lokal na opisyal at kinatawan ng joint Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH).
Binubuo ng mga kinatawan mula sa MILF, Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police ang CCCH na tumutulong upang mapanatili ang kapayapaan sa Mindanao.
Nagsalpukan ang magkaribal na puwersa ng MNLF at MILF tatlong beses nitong nakaraang tatlong linggo kaya naman lumikas na ang libu-libong residente ng lugar.
Nagsimula ang girian ng dalawang grupo matapos harangan ng MNLF sa Barangay Marbel ang MILF guerillas na dumalo sa isang usaping pangkapayapaan dala ang kanilang mga armas at nakasuot ng kanilang uniporme.
Ikinalat na ang mga tauhan ng 602nd brigade ng Army sa North Cotabato upang mapigilan ang paglala ng sitwasyon.