Kapitan ng barko dinukot sa Basilan

MANILA, Philippines - Dinukot ng mga armadong kalalakihan ang kapitan ng isang barkong pangisda nitong Martes sa bayan ng Lantawan sa Basilan.

Ayon sa ulat ng Basilan provincial police headquarters, nakilala ang biktima na si Lucio Gonzales, kapitan ng Albert Fishing Boat na naka base sa Barangay Cawit.

Base sa imbestigasyon, dumaraan sa baybayin ng Basilan ang barko nang harangin ng 15 armadong kalalakihan bandang alas-8 ng umaga ng Martes.

Sinabi ng mga tripulante ng barkong pangisda na pinasok ang kanilang sasakyang pandagat saka dinukot ang kapitan nila.

Tumakas ang mga suspek sakay ng 'junkungs' patungo sa direksyon ng probinsya ng Sulu.

Nagsagawa na ng pursuit operations ang awtoridad upang matunton ang mga suspek at mailigtas ang bihag na si Gonzales.

Show comments