MANILA, Philippines - Itinumba ng hindi pa nakikilalang armadong lalaki ang isang dating kapitana ng barangay Antipolo City sa Rizal nitong Martes ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Rina Gabuna Junio, 50, dating kapitana ng Barangay Sta. Cruz at isa sa mga campaign leaders ng natalong Antipolo City mayoralty re-electionist Nilo Leyble.
Lumabas sa ulat na nasa loob ng kanyang bahay si Junio sa Sitio Kamias, Brgy. Sta. Cruz habang nanonood ng TV nang barilin siya ng suspek bandang alas-8 ng gabi.
Tumama ang bala sa ulo ng biktima na tumagis sa kanang mata nito, dagdag ng ulat.
Naisugod pa ang biktima sa Antipolo District Hospital ngunit binawian na rin ito ng buhay.
Kaagad tumakas ang suspek na sakay ng motorsiklo, ayon sa mga pulis.
Tatlong araw matapos ang eleksyon noong Mayo 13 ay itinumba rin ang campaign leader ni Leyble na si Boy San Pedro.
Inaalama pa ng mga pulis kung ang pagpatay kay San Pedro ay may koneksyon sa pananambang kay Junio.