MANILA, Philippines – Hindi rin nakaligtas sa aberya ang lungsod ng Parañaque nang maantala ang botohan doon dahil sa naglokong Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine ngayong Lunes ng tanghali.
Sinabi ni Michelle Camposano, PCOS technician na nakatalaga sa presinto ng Col. E. de Leon sa loob ng Multinational Village, hindi tinanggap ng PCOS machines ang isinalang na mga balota.
Dagdag ni Camposano na nakatanggap na ng 300 balota ang PCOS machine nang magloko ito.
Aniya pinatay na nila ang makina at muling binuksan ngunit hindi pa rin nito tinanggap ang mga balota.
"We have contingency plans and we have reported this to the PCOS supervisor who will then relay it to Comelec's National Support Center," pahayag ni Camposano.
Sinabi pa ni Camposano na kung hindi pa rin gagana ang makina ay kailangan na itong palitan ngunit hindi sigurado kung gaano kabilis ito mapapalitan.
Samantala, bago ang nasabing problema ay may nauna nang naglokong PCOS machine sa Col. E. de Leon na biglang tumigil sa paggana.
"Syempre ang laking abala niyan," sabi ng isang botante na si Elena Albesa na kabilang sa 800 botante na inabisuhang antayin maayos ang PCOS machine.
Sinabi ni Comelec Commissioner Lucenito Tagle sa isang panayam sa telebisyon na kung sakaling magloko ang PCOS ay maaaring pabotohin pa rin ang mga botante at itatago na muna pansamantala ang mga balota.
Sa oras na gumana ang mga makina ay saka isasalang ang mga naitiman nang balota upang mabilang.
Dagdag ni Tagle na maaari rin isalang ang mga balota sa gumaganang PCOS machines na malapit sa presinto.