MANILA, Philippines – Apat na katao ang naiulat na nasawi matapos mag-phreatic eruption o magbuga ng abo ang bulkang Mayon nitong Martes ng umaga.
Sa inilabas na advisory ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), nagkaroon ng maliit na phreatic event ang bulkang Mayon bandang 8 ng umaga na tumagal ng 73 segundo.
"The gray to brown clouds reached 500 meters above the summit and drifted west southwest. No volcanic earthquake was detected within the past 24-hour observation period," pahayag ng ahensya.
Dagdag ng Phivolcs na wala naman indikasyon ng iba pang pagkilos ang bulkan.
Sa isang panayam sa telebisyon, sinabi ng tour guide na si Kenneth Jesalva na tatlong dayuhang turista at isang tour guide ang nasawi sa pagbuga ng abo.
Pero kahit may nasawi ay nananatili pa rin sa Alert Level 0 status ng Phivolcs, ibig sabihin ay walang inaasahang pagsabog mula sa bulkan.
Inabisuhan naman ng ahensya ang publiko na iwasan na pumasok sa 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) upang mapanatili ang kaligtasan.
"It is strongly advised that the public refrain from entering the 6-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) due to the threat of sudden steam-driven eruptions and rock falls from the upper and middle slopes of the volcano," sabi ng Phivolcs.
Sinabi naman ni Phivolcs Director Renato Solidum, Jr. na nananatili pa rin namang normal ang sitwasyon sa Albay, Bicol, dahil ang phreatic eruption ay paglalabas lamang ng init, tubig, volcanic rocks at abo ngunit walang magma.
"What happened to Mayon Volcano this morning is essentially a hydrothermal or steamed driven explosion," sabi ni Solidum.
"There is not much pressure and there is no new magma yet ... but once that steam is hot, there can be pressure and will have shallow explosion," dagdag ni Solidum.
Sinabi pa ng pinuno ng ahensya na nagmula lamang ang pagbuga ng lumang abo sa bunganga nito dahil sa mainit na singaw ng bulkan.
Pero hindi naman masiguro ng Phivolcs kung masusundan pa ang pagbuga ng abo.
"In previous eruptions of Mayon, sometimes another ash explosion would happen but the interval would not be very regular so we don't know what would happen," sabi ng Phivolcs.