MANILA, Philippines – Nananatiling pangatlo ang Pilipinas sa pinakadelikadong lugar para sa isang mamamahayag, ayon sa grupong Community to Protect Journalists (CPJ) na nakabase sa New York, USA.
Sa ikaapat na sunod na taon, pumangatlo ang Pilipinas sa Impunity Index ng CPJ dahil sa 55 hindi pa rin nareresolbang mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahyag mula noong 1992.
Sinabi ng CPJ sa ulat na tinutukoy sa Impunity Index ang bansa na mga mga gobyernong bigong mapanagot ang mga sangkot sa pagpatay sa mga mamamahayag.
Nakatanggap ng 0.580 na Impunity Index rating ang Pilipinas, na may populasyong aabot sa 94.9 milyon.
Pinagtuunan ng pansin ng grupo ang masaker ng 57 katao, kabilang ang 32 mamamahayag, sa probinsya ng Maguindanao noong 2009. Nananatiling nakalalaya ang mas maraming suspek sa masaker bagama't marami na sa mga hinihinalang utak sa krimen ang nakakulong na.
"Authorities in the Philippines, ranked third worst on CPJ’s index, have yet to make headway in the prosecution of dozens of suspects in a politically motivated massacre in Maguindanao province," anang CPJ.
Pinuna pa ng CPJ ang tatlong pangunahing testigo sa masaker na pinatay habang gumugulong ang imbestigasyon at ang mga isinampang kaso sa korte.
Sinabi pa ng CPJ na kahit nangako na si Pangulong Benigno Aquino III nang umupo siya noong 2010 na papanagutin sa batas ang mga nasa likod ng masaker ay hindi pa rin nalutas ang mga kaso.
"At least four journalists... have been killed for their reporting on Aquino's watch. Despite executive vows to turn back the tide of media killings, none of the cases has been solved," pahayag ni CPJ Senior Southeast Asia Representative Shawn Crispin.
Nanantiling numero uno pa rin ang Iraq na may 93 kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag at pangalawa ang Somalia.
Nasa ilalim ng Pilipinas ang Sri Lanka, Colombia, Afghanistan, Mexico, Pakistan, Russia at Brazil.