Bata patay sa aksidente sa Zamboanga

MANILA, Philippines –  Patay ang isang 10-taong-gulang na bata habang sugatan ang ama nito at tatlo pang kasama nang tumaob ang kanilang sinasakyang pickup truck sa bayan ng Josefina, Zamboanga del Sur nitong Miyerkules ng umaga.

Kinilala ni Senior Inspector Jerry Alvarez, hepe ng Josefina police, ang nasawing biktima na si Stephen James Leal, habang ang sugatang ama nito ay nakilalang si Percy Leal, 45.

Sinabi ni Alvarez na patungong probinsya ng Dapitan ang mga biktima mula sa Sultan Kudarat upang magbaksyon nang mangyari ang aksidente.

Tumaob ang sinasakyang pickup ng mga biktima na minamaneho ni Percy habang binabagtas ang madulas at maliit na tulay bandang 6 ng
umaga sa bayan ng Josefina.

Sinabi pa ng mga pulis na wala nang buhay ang bata nang datnan ng mga rumespondeng rescuer.

Malubha naman ang tama ng tatlong hindi pa nakikilalang kasama ng mag-amang Leal sa sasakyan.

Show comments